Ang Aparador ni Salome
"Ang ganda naman nito," hindi napigilang sabihin ni Mae nang mapadako ang tingin niya sa aparador habang tumitingin siya sa furniture shop na iyon. Namimili siya ng gamit na ilalagay niya sa kanyang condo.
Modern dapat ang tema ng mga kagamitan niya kaya lang, parang namamagneto siya sa aparador na iyon. Napakaganda naman kasi. Sa tingin niya ay gawa iyon mula sa puno ng mahogany kaya naman sosyal na sosyal ang dating.
"Magkano ito, Miss?" Nang linungin niya ang may-ari ng shop ay nakita niyang natigilan ito nang nakita ang interes niya sa aparador na iyon. Kung ilang ulit nga itong napalunok at sa tingin niya ay ang putla-putla nito. Kumunot tuloy ang noo niya dahil sa sobrang pagtataka. "Miss?"
Napapitlag naman ito.
"Tinatanong kita."
"L-libre lang 'yan."
"Libre?"
"K-kapag bumili ka ng worth 100k na gamit, libre na 'yang aparador."
Sa winika nito ay napapalakpak siya. "One hundred twenty thousand ang napili kong gamit kanina, hindi ba? Ang L-shape sofa, dining table with chairs, saka ang kingsize bed ko."
"Kukunin ninyong lahat iyon?" gulat nitong tanong pero namimilog ang mga mata.
"Yes, of course," wika niya saka inabot ang credit card dito.
Salome Gopez ang pangalan niya, 24 years old at nag-iisang anak kaya naman overprotective sa kanya ang mga magulang ngunit dahil nasa hustong gulang na siya ay nagdesisyon na siyang magsarili para makaramdam siya ng kalayaan. Sakal na sakal na kasi siya sa kanyang mga magulang. Nang una ay ayaw sana siyang payagan ng mga ito. Sabi kasi ng mga ito, makakakawala lang siya sa poder ng mga ito kapag nag-asawa siya.
At wala siyang balak mag-asawa dahil nga ayaw niyang maranasan muli ang masakal. Mas okay na sa kanya ang maging single and happy forever. Naniniwala kasi siyang kahit na nag-iisa siya sa buhay ay magiging masaya pa rin siya. Basta may career siya at marami siyang pera. Isa kasi siyang painter at marami na rin ang nag-u-order sa kanya.
"Gumasta ka na naman ng husto, anak." Naiiling na sabi ni Almario habang nililibot ang kabuuan ng kanyang condo. Isang linggo pa lang ang nakakaraan at binisita na siya ng kanyang mga magulang. At iyon ang patunay na mahal na mahal siya ng mga ito. Katunayan, mag-u-overnight ang mga ito sa kanyang condo.
"Ginagamit ko naman po."
"Nagsayang ka pa rin ng pera. Unang tingin ko pa lang sa mga gamit na ito ay mamahalin na. "
"Madaling masira kapag mumurahin," katwiran niya.
"Nasa gumagamit iyon."
"Nasaan na po pala ang Mama?" pag-iiba niya ng usapan.
Hindi na niya nasagot ng ama ang kanyang katanungan dahil narinig na niya ang nakakikilabot na palahaw ng ina. Kaya naman nagmamadali silang mag-ama na masaklolohan ito kaya lang hindi na nila ito makita. Ang lakas lang ng kanyang pagsinghap nang makita niyang umalog-alog ang aparador na binili niya na parang may kinakain.
May kinakain? Hindi makapaniwalang tanong niya sa sarili.
Bigla tuloy niyang naalala ang sinabi sa kanya ng matandang babae na nasa tapat ng inuupahan niyang condo. Isang halimaw ang aparador na 'yan.
Bagamat nangilabot siya sa tinuran nito ng mga oras na iyon, isa rin sa nakikiusyoso niyang kapit bahay ang bumulong sa kanya. "Huwag mo siyang paniwalaan, may sayad ang matandang 'yan. Kung anu-anong nilalang ang nakikita."
"Mildred!" sigaw ng kanyang ama kaya nang nanumbalik sa kasalukuyan ang kanyang utak.
Namilog ang kanyang mga mata nang makita niyang lumapit ito doon. Gusto sana niyang sabihin na 'huwag' pero may malamig na kamay na nagtakip sa kanyang bibig at bumulong sa kanya ng, "Hindi ba gusto mong makalaya sa kanila?" tanong nito sa kanya kasabay noon ay muling bumukas ang aparador at ang ama naman niya ang kinain nito kaya wala siyang nagawa kundi ang humagulgol nang iyak.
SAMANTALA, ang may-ari ng furniture shop na si Gracia ay naglalasing. Kahit na mayroon siyang maraming pera ngayon ay hindi niya makuhang magsaya. Paano ba naman kasi niya magagawa iyon kung alam niyang may mga tao na namang kinain ang halimaw sa aparador na iyon. Noon kasing panahon na pakiramdam niya ay itinakwil siya ng Maykapal dahil sa mga trahedya na pinagdaanan ng kanyang pamilya tulad ng matinding paghihirap at pagkamatay ng mga kapatid niya ay nakipagkasundo siya sa diyablo na gagawin niya ang lahat para lang yumaman at doon nga dumating ang halimaw sa aparador na nagbibigay sa kanya ng limpak-limak na suwerte. Iyon nga lang, kasabay noon ay nasusunog na ang kaluluwa niya sa impiyerno kahit hindi pa siya namamatay.

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento