Si Daniella at si Brownie

 


Malalim na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Mula kasi ng mag-lockdown sanhi ng Covid-19 ay wala ng pumapasok na pera sa kanyang bank account. Paano ba naman kasi, walang gaanong nagbabayad sa kanya. Ang laging katwiran ng mga ito, hindi pa rin bumabalik sa normal ang lahat.


Totoo naman iyon kaya hindi niya magawang pilitin ang mga ito lalo na't karamihan sa kanyang mga tenant ay nawalan ng trabaho. May mga pagkakataon pa na binibigyan niya ng ayuda ang mga ito. Kahit naman kasi wala siyang kita sa kanyang paupahan, mayroon pa rin naman siyang trabaho sa online bilang manunulat.

Siya nga pala si Daniella, 45, nagmamay-ari ng limang pintong apartment. Ulila na siya at walang sariling pamilya kaya masasabi niyang nag-iisa na siya sa mundo. Gayunman, hindi niya masasabing malungkot siya dahil wala siyang taong kasama sa bahay. Mayroon din naman kasi siyang aso na nagbibigay sa kanya ng kaligayahan.

Kung may mga nagsasabi na mabaho ang mag-alaga ng hayop, hindi niya alam dahil hindi naman siya naaapektuhan. May diprensiya kasi ang kanyang pang-amoy. Gayunman, sinisiguro niyang mabango lagi ang kanyang alaga dahil pirmi niya itong pinaliliguan. Tulad ngayon. Natigil lamang siya sa kanyang pagsasabon sa alaga niyang si Brownie nang makita niyang bahagyang tumaas ang ilong nito na para bang may kung anong naaamoy. Tiwala naman siyang hindi siya nito kakagatin dahil mabait ang kanyang alaga. Binusog niya ito sa pagmamahal kaya naman sobra-sobra ang pagmamahal na ibinibigay nito sa kanya.

"May tao." Kumunot ang kanyang noo. Dapat sana ay takot ang agad niyang maramdaman dahil nag-iisa lang naman siya sa bahay pero hindi iyon ang naramdaman niya. Siguro dahil alam naman niya na hindi siya mapapahamak dahil may asong nagbabantay sa kanya.

Malalakas ang yabag ng mga ito na para bang walang pakialam kung marinig niya kaya naman napilitan siyang lumabas. Kailangan ay masita niya ang mga taong pumasok sa kanyang tahanan na walang pahintulot niya. Mararahas na paghinga ang kanyang pinawalan. Wala bang respeto ang mga ito sa kanya at ni hindi man lamang kumatok.

"At anong ginagawa ninyo sa loob ng pamamahay ko?" Nakapameywang na tanong niya sa ilan niyang tenant.

Ngunit, parang hindi man lamang siya narinig ng mga ito dahil hindi man lang siya pinagkaabalahang tapunan ng tingin. Tuluyan na tuloy siyang lumabas sa cr at hinarap ang mga ito.

"Bakit ba kayo nandito?" naiinis niyang tanong dahil parang walang pakialam ang mga ito sa kanyang presensiya.

Ngunit tulad kanina ay hindi pa rin siya nito pinapansin. Sisigawan na sana niya ang mga ito nang makita niyang may pulis na pumasok.

"Shit, ang baho nga."

Sa sinabing iyon ng pulis, parang gusto niyang magalit dito. Anong karapatan nitong sabihing mabaho ang kanyang bahay? Kahit nag-iisa siyang naninirahan sa lugar na iyon ay sinisiguro niyang laging malinis at mabango ang kanyang tirahan.

"Doon po sa itaas," wika naman ng isa niyang tenant na si Ami.

Gusto sana niya itong sabunutan dahil pinairal na naman nito ang pagiging atribida. Agad na umakyat sa hagdanan patungo sa kanyang kuwarto kahit hindi ito nanghihingi sa kanya ng pahintulot. At kahit na manghingi ito ng pahintulot sa kanya ay hindi rin naman niya ito pagbibigyan. Siyempre, kailangan ay palaging may privacy.

"Hoy, ano ba?" sigaw niya pero wala pa ring pumapansin sa kanya. Ano ba ang nangyayari. Kinakabahang tanong niya lalo na nu'ng may nag-flash sa kanyang isipan.

"Ate..." sabay-sabay na hiyaw ng kanyang mga tenant kaya napadali rin ang pagpunta siya sa kanyang kuwarto at ganoon na lang ang panggigilalas niya ng makita niya ang sariling nakahiga sa kanyang kama habang nasa ulunan naman niya si Brownie.

Ibig bang sabihin nu'n...?

"Mahigit kumulang, limang araw na siyang patay."

Buhay ako! Gusto niyang sabihin sa mga ito pero tulad kanina ay wala namang nakaririnig sa kanya. Hanggang sa magbalik sa kanya ang pangayayari nang araw na iyon. Naubos na ang shampoo ni Brownie kaya naman nagdesisyon siyang sumaglit sa mall. Kahit naman mayroo pang pandemic ay pwede na ring magpunta sa mall kaya nagpasya siyang umalis. Sabi niya kasi sa sarili, mas mahalaga sa kanya ang kapakanan ng kanyang alaga at di naman maaaring magpatalo na lang siya lagi sa takot gaya ng ibang kababayan niya.


Ngunit, hindi pa niya nagagawang paliguan ang kanyang alaga ay may kakaiba na siyang naramdaman. Parang sumisikip ang kanyang dibdib. At tandang-tanda niya na bumulagta siya sa sahig pero, ba't ngayon ay nasa kama na siya.

Tumahol si Brownie. Nang lingunin niya ito ay parang ipinagmamalaki nito sa kanya ang ginawa.

"Mahal na mahal talaga siya ng aso niya. Hindi siya iniwan hanggang sa kanyang kamatayan." 


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Guhit ni Elvie

Ang Multo sa Elevator

Ang Aparador ni Salome