Ang Guhit ni Elvie
Isang matandang babae ang nagsabi sa kanya na yayaman daw siya sa kanyang pagguhit basta huwag na huwag siyang hihinto kapag may nag-request sa kanya. Umiling siya sa halip na paniwalaan ito. Naisip niyang baka sinabi lang nito ang mga salitang iyon dahil tumatanaw ito ng utang na loob sa kanya kaya naisip purihin ang kanyang ginagawa. Nag-sketch kasi siya nang matanaw niya itong nahihirapan tumawid sa kanilang kalsada kaya napilitan siya itong tulungan, ngunit, dahil sa sinabi nito, ang gusto niyang pagsisihan ang paggawa niya rito ng kabutihan. Para kasing gusto siya nitong paasahin sa isang bagay na imposibleng mangyari.
Oo nga't nagtapos siya ng Fine Arts sa UP pero hindi naman siya sikat sa larangan ng pagguhit at pagpinta para pagkatiwalaan agad. Kung mayroong magpapaguhit at magpapapinta sa kanya, siguradong kakarampot lang ang ibibigay sa kanya. Gayunman, ang maliit na kita ay pwedeng lumaki nang kumaki kung matutupad ang sinabi ng matanda na magkakasunud-sunod ang kanyang kliyente.
Sige, asa! Natatawa niyang sabi sa sarili habang pauwi.
"Miss Elviie..."
Bigla siyang napahinto sa kanyang paglakad. Nilingon niya ang tumatawag sa kanya. Si Tina, ang kanyang kapitbahay. Kumunot ang noo niya nang mapansing pawis na pawis at hingal na hingal ito. Pakiwari niya ay tumakbo ito ng pagkalayo-layo paramahabol siya.
"Bakit?"
"May pabor sana akong hihilingin."
Kumunot ang noo niya.
"Magpapaguhit sana ako."
Bigla siyang napa-straight nang tayo.
"Magbabayad ako,'te," mariing sabi nito. Siguro ay nangangamba ito na tumanggi siya. "Birthday kasi ng lola ko next week at alam kong matutuwa siya kapag nagkaroon siya ng portrait."
"Bakit ako?"
Napakamot ito ng ulo. "Low budget lang kasi ako. Hindi ko afford ang singil ng ibang sikat na painter."
Ewan niya kung madi-disappoint ba siya sa sinabi nitong 'low budget lang kasi ako' o masisiyahan dahil siya ang pinili nitong lapitan. Ngayong panahong ito kailangang-kailangan niya ng raket. Paubos na kasi ang savings niya at marami siyang bayarin — kuryente, tubig at pangkain niya.
'20k, 'te."
Namulagat siya sa presyo nito.
"Ako na ang sasagot sa pampintura at pangguhit mo."
"Deal," mariin niyang sabi pagkaraan. Mahirap na kung magbabago pa ang isip nito.
AKALA ni Elvie, sinuwerte lang siya kay Tina dahil nangangailangan ito ng iregalo sa lola nito ngunit hindi niya akalain na iyon na pala ang simulang sunud-sunod na suwerte sa kanyang buhay. Sobrang nagandahan ang Lola ni Tina sa kanyang gawa kaya naman ang obra maestra niya ay inilagay nito sa salas, alam niya iyon dahil naimbitahan siya sa kaarawan nito, kaya naman nagawa siya nitong ipagmalaki. Dahil doon, nagsimula na umangat ang kanyang career. Sunud-sunod na kasi ang nagpapaguhit sa kanya.
Huwag kang hihinto! Wika ng tinig.
Talagang para sa kanya, hindi magiging maganda ang paghinto. Kaya naman tuloy-tuloy lang siya. Hindi niya nagagawang magpahinga hangang di natatapos ang kanyang pagguhit. Ewan lang niya kung anong klaseng lakas ang nakukuha niya habang siya ay gumuguhit. Nagtataka lang siya dahil sa tuwing matatapos siya ay makakaramdam siya ng sobrang pagod kaya gusto niyang makatulog para makabawi ng lakas.
"Hep, hindi mo pwedeng gawin 'yan."
Nag-iisa lang siya sa kanyang silid kaya nang marinig niya ang boses na iyon ay nakaramdam siya ng kilabot. Nagtayuan ang kanyang mga balahibo. Bigla tuloy siyang napatili nang bumuga sa kanyang hapan ang isang taong minsan lang niya nakita pero kilalang-kilala niya — ang matandang babae na kanyang tinulungan.
"Paano ka nakasok?"
"Dahil kailangan mo ang paliwanag ko."
"Tulad ng sinabi ko, hindi ka puwedeng huminto kapag may nag-request pa sa'yong gumuhit ka. May tatlo ka pa. Di pwedeng matulog."
"Pagod na ko."
"Makakabawi ka ng lakas kapag nagsimula ka ng gumuhit."
"Bakit?"
"Dahil sa ipinagkaloob ko sa'yong kapangyarihan na maging sikat sa larangan ng pagguhit."
"At bakit nanghihina ako kapag natatapos?"
"Dahil ang isang porsiyento ng buhay mo ay pumapasok sa canvass na ginagawa mo para mas makaakit ka ng customers."
"Hindi!"
Tumawa ang matandang babae. "Hindi na talaga magtatagal ang buhay mo kapag huminto ka. Kaya, gawa na."
"Tinulungan kita."
"At isinusumbat mo sa akin 'yan?" Hindi makapaniwalang tanong nito pero walang pagdaramdam ang tinig."Well, 'yan din naman ang dahilan kaya kapiranggot na tulong din ang ginawa ko sa'yo. Ibig sabihin, kapag huminto ka, mamamatay ka."
Ayaw sana niyang paniwalaan ang sinabi nito kaya lang parang biglang kinakapos siya ng hininga at hindi umayos ang kanyang pakiramdam hangga't hindi niya naaabot ang mga gamit niya sa pagpinta.

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento