Ang Dula para kay Jowie


Nag-uumapaw sa puso ni Jowie ang galit kaya naman kahit kalilipat pa lang nila ng nanay niyang si Sokoro sa maliit na kuwartong iyon,hindi niya napigilan ang mapamura. Isang mukha na naman kasi ang pumasok sa kanyang isipan. Ang nakabubuwisit na mukha ng dati niyang landlord — si Marilyn.

Inapi kasi silang mag-ina ng babaeng iyon kaya kahit na malayo na siya rito ay matindi pa rin ang galit na kanyang nararamdaman. Hindi sapat iyong tinext niya ito ng masasamang salita at nag-iwan siya ng mensahe sa kuwartong kanilang tinuluyan. Ang sabi niya rito, BATUGAN KA, MARILYN!



Sa tingin naman kasi niya ay talagang akma rito ang katagang iyon. Biro mo ba naman, hindi ito nagtatrabaho at umaasa lang sa iabot niyang renta sa bahay. Kung minsan nga, mataas na ang sikat ng araw ay hindi pa rin ito lumalabas ng kuwarto pero pagdating ng gabi ay gising na gising ito.

"Mas malaki iyong kuwarto natin dati."

"Huwag ka na nga magreklamo diyan, Nay," buwisit niyang sabi sa matandang babae. Para hindi na ito magsalita pa ay tinapunan din niya ito ng matalim na tingin. Nainis din kasi siya sa presensiya nito. Siya itong bunso sa itong magkakapatid pero sa kanya naatang ang pagkargo rito. Sa kanila kasing lahat siya lang ang wala pang asawa.

Hindi na ito kumibo. Sa tingin niya ay nagdamdam na naman ito sa kanya pero wala siyang pakialam doon. Ang mahalaga lang naman ay iyong kanyang nararamdaman. Kaya, hindi niya ito pinansin nang tumayo at lumabas. Kung maglilinis man ito wala siyang pakialam.

Eksaktong isinara na nito ang pinto nang tumunog ang kanyang cellphone. Si Marilyn. "Ako ba talaga ay hindi mo tatantanan?"

"Hindi, bakit?"

"Okay, pagbibigyan kita."

Kung nagbabanta ang tono nito, wala siyang pakialam dahil wala rin naman itong magagawa sa kanya. Milya-milya ang layo nito sa kanya kaya naman abot tenga ang ngiti niya.

"Ang ganda naman ng kulay ng kuwarto mo, pink, bading ka?"

Tatawanan sana niya ang sinabi nito kundi lang niya napansin na kulay pink nga ang kulay ng nilipatan niyang kuwarto. Gayunman, pinalis niya ang kaba sa kanyang dibdib. Maaaring nagkataon lang na nahulaan nitong pink nga ang kulay ng bago nilang silid.

"Mukhang kinakabahan na ang matapang kong ex-tenant. Well, dapat ka talagang matakot dahil ako naman ang mambubuwisit sa'yo."

Bigla siyang napamura nang marinig niya ang paghalakhak nito.

"Takot na takot ka na, ano, Jowie?" anitong patuloy pa rin sa paghalakhak.

"Demonyo ka!"

Lalong lumakas ang tawa ni Marilyn. "Kung 'yan pa ang nilagay mo sa kuwarto ko, mas matatanggap ko pa dahil totoo kaso batugan. Ang sipag ko kayang kumuha ng kaluluwa at ikaw na ang susunod."

Sa mariing pagbigkas nito ng mga salitang iyon ay talagang nangilabot na siya. Nagtayuan ang kanyang mga balahibo. gusto niyang sumigaw pero hindi niya magawa, hindi rin siya makakilos dahil palakas nang palakas ang pagtawa ni Marilyn na parang nasa likuran lang niya. Bigla tuloy siyang napalingon at nanggilalas siya sa nakita niya.

May mensaheng nakalagay sa dingding, "JOWIE, AKIN ANG KALULUWA MO!"

Tapos ang dugo na naroroon ay biglang naging hugis kamay at bago pa siya nakatakbo ay dinaklot na siya nito para ipasok sa pader.



Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Guhit ni Elvie

Ang Multo sa Elevator

Ang Aparador ni Salome