Nasa Ilalim Sila, Daddy!

 


Dahil sa sunud-sunod na suwerteng nakuha ni John,nagpasya na silang mag-asawa na umalis sa bahay na inuupahan nila. May sapat na pera na kasi sila para makapag-down ng bagong bahay. Subalit, ang suwerte nila ay di pa naubos dahil ang kaopisina niyang si Miguel ay ibinebenta na ang ancestral house ng mga ito sa Cavite dahil plano ng mangibang bansa for good.






"Malaki nga talaga itong bahay," wika ng Misis niyang si Mabel kahit ilang beses na rin naman silang nakapunta roon at ngayon nga ay naglilipat na sila.

"Talagang malaki. 300 sq meters din ito. Unang kita ko pa lang sa bahay na ito'y crush na crush ko na." Nakangiting sabi ni John. Sa pagkakatanda niya ay tatlong beses na rin siyang nakarating doon.

"Magiging asawa mo rin itong bahay, Daddy?" Inosenteng tanong ng 4 na taong gulang niyang anak, karga niya ito at nilalaro ang kanyang kuwelyo.

"Anak, hindi maganda ang sinasabi mo. Saan mo natutunan 'yan?"

"Sa mga friends ko," wika nito saka tumingin sa kanya.

Kumunot ang kanyang noo. Hindi 'yata niya alam na may mga kaibigan ang anak. Ang sinasabi sa kanya ni Mabel ay mas gusto ni Leah na maglarong mag-isa at ayaw makihalubilo sa mga kapwa bata nito.

"Daddy, tinatanong ng mga friends ko kung bakit daw tayo umalis sa bahay natin?"

"Hindi kasi atin iyon."

Nanlaki ang mga mata nito. "Atin ito bahay?"

Tumango siya.

"Baba, baba!" nagpupumiglas na wika ngayon ni Leah. "Sinorpresa ako ng mga friends ko. Daddy, dito na rin sila titira para mas suwertehin tayo.Yeheey"

Kahit na sinabi ni Mabel sa kanya na ang mga kaibigan ni Leah ay nasa isipan lang nito, may kaba pa rin siyang naramdaman. Hindi lang dahil sa kakaibang kilos ngayon ng anak, pumapalakpak at tumatawa habang nakikipaghabulan sa kung sino, kundi sa kilabot na bigla niyang naramdaman. Pakiwari kasi niya'y may kung sinong dumaan sa kanyang harapan at bigla siyang nakaramdam ng kakaibang lamig.

"Kailan pa ba siya ganyan?" nag-aalalang tanong niya kay Mabel.

"Okay lang ang anak mo, ano ka ba? Noong bata ako ay ganyan din ako. May kalarong ako lang ang nakakakita. Bulaga!"

Hindi niya inasahan ang biglang pangugulat nito kaya napasigaw siya at tinawanan siya ni Mabel. Ibig niyang mapikon kaya nga lang kapag nagalit siya ay wala ring mangyayari.

"Daddy, gusto mong ipakilala kita sa mga friends ko?" tanong sa kanya ni Leah.

Ibig niyang sabihin dito na sila lang ang tao sa bahay na iyon pero hindi niya magawa. Ayaw niyang masira ang ngiti nito sa labi. Saka na niya ipaliliwanag dito na ang mga kaibigang sinasabi nito ay bunga lang ng imahinasyon nito.

"Nasaan ba sila?"

"Luhod ka, Daddy."

Ginawa naman niya ang sinabi.

"Tapos, yuko ka."

Malalim na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Naisip niya, siguro nga, kailangang bigyan niya ng panahon ang anak.

"Silip ka sa ilalim."

At iyon nga ang ginawa niya para masigaw sa sobrang panghihilakbot. Katakot-takot na nilalang ang nasa ilalim ng mesa na nagdulot ng sobrang kilabot sa kanya. May naglalakihan pa itong mga pangil. 


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Guhit ni Elvie

Ang Multo sa Elevator

Ang Aparador ni Salome