Pitik Bulag

 


"Kamusta ka na?"

"Niloloko mo ba ako?" pasinghal na tanong ni Ariel,20, sa boses na iyon. Si Trisha, girlfriend niya. Kahit na malambing ang pagkakatanong nito, pakiramdam niya'y niloloko siya nito. Biro mo tatanungin pa siya nito ng 'kamusta ka?' gayung nakikita naman nito ang kanyang kalagayan.


"Ang sungit mo naman."

Marahas na buntunghininga ang kanyang ginawa. "Nakikita mo na kasing nasa ospital ako, hindi ba? May benda pa ang mata ko, ibig sabihin, mabubulag ako." Kahit na pareho silang naaksidente ay hindi niya nagawang itanong kung okay ba ito. Obvious naman na naka-recover na ito kaya nasa tabi na niya.

"May mata ka na, hindi ba? Inoperahan ka na."

"Hindi pa rin ako nakasisiguro na makakakita ako," pasinghal niyang sabi rito. Nagagalit siya, hindi sa kanyang kausap kundi sa kanyang sarili. Siya naman kasi ang may kasalanan kung bakit siya nakakulong sa kuwarto na iyon. Ayaw kasi nito maniwala na wala siyang babae kaya pinatakbo niya ng mabilis na mabilis ang sasakyan.

Well, hindi naman ito nagkamali ng hinala sa kanya. Talaga naman kasing nagawa niya itong pagtaksilan. Gayunpaman, hindi ibig sabihin noon ay iiwanan niya ito. Mahal na mahal niya ang kanyang girlfriend kaya nga lang ayaw nitong lumagpas sila sa limitasyon hangga't hindi sila nakakasal. Pakiramdam niya tuloy ay hindi siya nito pinagkakatiwalaan kaya naman nagawa niyang magrebelde.

"Makakakita ka."

"Maniniwala lang ako kapag nakikita na kita."

"Hindi mo man ako makita, mararamdaman mo naman ako palagi." Malungkot nitong sabi.

Gusto sana niyang magalit dahil parang sinasabi na nga nitong hindi siya makakakita ngunit pagkaraan lang ng ilang sandali ay naisip niyang baka iba ang gusto nitong sabihin. Makikipaghiwalay na ba ito sa kanya?

"Alright, I'm sorry."

"Pinapatawad na kita."

Dapat sana ay masiyahan siya sa sinabi nito pero hindi niya magawa. May kakaiba talaga siyang nararamdaman sa mga salita nito. Kilalang-kilala niya kasi si Trisha kaya alam niyang may hindi magandang mangyayari o nangyayari. Bata pa lang kasi sila ay magkaibigan na sila. Bestfriends sila bago nila na-realize na mahal nila ang isa't isa pero malaking adjustment ang ginawa nila lalo na siya.

Kung kailangan kasi sila naging magkarelasyon ay saka siya naglihim dito. Kunsabagay, hindi rin naman kasi nito tatanggapin kung sasabihin niyang nagtataksil siya. Na tumikim siya ng ibang putahe. No. Hindi pa naman niya natitikman si Trisha. Nuknukan kasi ito ng konserbatibo.

"Naaalala mo pa ba ang laro natin nu'ng bata pa tayo."

"Taguan?" wika niya tapos ay namura niya ang kanyang sarili. Iyon ang unang laro niyang naisip dahil ngayon naman ay may itinatago siya rito.

"'Yung pitik-bulag."

Napangiti siya. "Lagi akong talo."

"Talo rin naman ako madalas."

"Madalas tama ka. Dinadaya lang kita," natatawa miyang sabi sa alaala niyang iyon.

"Alam mo hindi kita hahayaang maging bulag habambuhay. Mahal kita. Sana hindi mo ako makalimutan."

"Trisha..."

"Paalam na, Mahal ko."

Iyon ang araw na tatanggalin na ang benda sa kanyang mga mata kaya inaasahan ni Ariel na makikita niya doon si Trisha. Ayaw niyang maniwala na tuluyan siya nitong tatalikuran. Mahal na mahal siya nito at sinabi nitong hindi ito mabubuhay kapag nawala siya. Gayunpaman, mula ng makausap niya ito ay hindi na ito bumalik.

"Open your eyes," wika ng doktor na nag-opera sa kanya.

At ginawa naman niya iyon.

Hindi madali ang pagdilat niya. Ilang araw kasi iyong nakabenda saka ibang mata na ang nasa kanyang mata kaya nag-aadjust pa iyon. Napangiti lang siya ng una niyang mahagilap ng mata si Trisha. Sabi na nga ba niyang hindi siya nito matitiis.

"Anak..."

"Ma?" maang niyang bulalas. Doon kasi niya nakitang nakapuwesto si Trisha kaya naguluhan siya ng Mama niya ang una niyang nakita. "Si Trisha?"

Natigilan ito.

"Iniwan ka na ni Trisha, Kuya," si Allen.

"Nandito siya kanina," wika niya sa bunsong kapatid.

"Imposible iyon, anak." wika ng kanyang ina.

"Patay na siya," wika ni Allen.

Gilalas siyang napatingin dito. "Hindi totoo 'yan."

Ngunit sa kanyang isipan ay bumalik ang nakaraan. Dahil sa mabilis niyang pagpapatakbo ng kanyang kotse ay naaksidente sila. Bumangga sila sa nakahimpil na truck. At bago tuluyang nanlabo ang kanyang mga mata ay nakita pa niya ang duguang mukha ni Trisha.

"Nandito siya noong isang araw."

"Noong isang araw pa siya inilibing." Ang Mama ulit niya.

"Isang araw lang ang itinagal ng buhay niya mula ng madala kayo dito sa ospital at ang bilin niya, ibigay sa'yo ang mga mata niya kapag namatay siya." Mariing sabi ni Allen na labis na nagpagimbal sa kanya.

Sa kanyang isipan ay narinig niya ang sinabi ni Trisha. "Alam mo hindi kita hahayaang maging bulag habambuhay. Mahal kita. Sana hindi mo ako makalimutan."


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Guhit ni Elvie

Ang Multo sa Elevator

Ang Aparador ni Salome